Sistemang Hindi Sementado

Mas kaunting asignatura, mas kaunting gawain. Mas kaunting gawain, mas magaan na buhay-estudyante. Sa unang tingin, tila ganoon kasimple tignan ang Strengthened Senior High School (SSHS) Curriculum. Sa gitna ng patuloy na pagbabago sa sistema ng edukasyon, binago ng Department of Education (DepEd) ang kurikulum upang gawing mas organisado, mas nakatuon, at mas makabuluhan ang pag-aaral ng mga mag-aaral.

Hindi maikakaila na may mga benepisyo ang pagbabagong ito. Sa paglilimita at pagsasama-sama ng ilang asignatura, nababawasan ang mga paksang kailangang pagsabay-sabayin ng isang estudyante. Mas nabibigyan din ng pagkakataon ang mga mag-aaral na pagtuunan ng pansin ang mga asignaturang mas kaugnay sa kursong nais nilang tahakin sa kolehiyo. Sa halip na kalat-kalat ang atensyon, mas nakasentro ito sa direksyong nais nilang patutunguhan.

Ngunit, kapag mas kaunti nga ba ang asignatura, mas kaunti rin ba ang mga gawain? Hindi naman laging ganito kasimple ang realidad. Maaaring nabawasan ang bilang ng asignatura, ngunit hindi nangangahulugang nabawasan din ang mga gawain, pagsusulit, at proyekto. Kung mas maikli ang panahong inilaan sa isang asignatura, maaari ring mas maging siksik ang mga aralin at araw ng pasahan.

Hindi sapat ang basta pagbabago sa bilang ng mga asignatura kung mananatili o tataas pa ang bigat ng pag-aaral. Hindi dapat nakatuon ang layunin ng edukasyon sa kung ilang aralin ang maipapasok sa isang semestre, kundi sa kung gaano karami ang tunay na naunawaan at natandaan ng mag-aaral.

Sa huli, ang mas kaunting asignatura ay hindi awtomatikong nangangahulugan ng mas magaan na buhay-estudyante. Ang tunay na sukatan ng isang “strengthened” na kurikulum ay kung napalalalim nito ang pagkatuto nang hindi isinasakripisyo ang oras, pahinga, at kapakanan ng mga mag-aaral.

Sistemang hindi sementado pa ang SSHS. Basa pa ang semento, may mga puwang pang kailangang punan, at may mga bahaging kailangang patibayin. Ngunit hindi ito nangangahulugang mali ang pagtatayo. Habang hindi pa ganap na tumitigas ang sistema, dapat pakinggan ang mga estudyante at guro na mismong nakararanas nito. Sapagkat ang mga karanasan kahapon ang dapat maging gabay upang patibayin ang sistemang haharapin ng mga mag-aaral ng bukas.

Leave a Reply

Social Share :