Mag-aaral ikinabahala ang shooting threat; TNHS, pansamantalang sinuspinde ang klase

Agad na rumesponde ang mga awtoridad, kabilang ang Tupi Municipal Police Station (MPS) at Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), matapos kumalat ang isang post na naglalaman umano ng shooting threat na may kaugnayan sa isang paaralan sa South Cotabato nitong Huwebes, Agosto 20, 2026.

Bagama’t nabanggit sa naturang post ang “TNHS” hindi agad nakumpirma kung anong partikular na paaralan ang tinutukoy o kung totoo ang banta, dahilan upang magsagawa ang mga awtoridad ng agarang beripikasyon sa pinagmulan at kredibilidad ng impormasyon.

Ayon kay Police Sergeant Luzz Gatinao, Community Affairs and Development PNCO ng Tupi MPS, hindi dapat balewalain ang anumang impormasyong maaaring may kaugnayan sa seguridad ng mga paaralan.

“We do not take it lightly. First priority natin is to ensure ang safety and security ng ating learners, mga schools natin, and the entire community,” ani Gatinao.

Agad ding nag-deploy ng intelligence personnel at investigators upang matukoy ang pinagmulan ng post at makumpirma ang tunay na sitwasyon.

Nilinaw ng awtoridad na bagama’t tila may binabanggit na paaralan sa naturang post, hindi ito partikular na tumutukoy sa isang high school sa Tupi at hindi rin umano nagmula sa kanilang munisipalidad.

Gayunman, hindi naging dahilan ito upang maging kampante ang mga awtoridad at patuloy nilang minonitor ang sitwasyon. Nakipag-ugnayan din ang mga ito sa mga kinauukulang ahensya at kalapit na munisipalidad upang mapag-isa ang mga hakbang sa pagtugon sa naturang impormasyon.

“We take precautions kasi lahat ng mga ganitong post, we take it seriously,” dagdag niya.

Sa isinagawang beripikasyon, natukoy ng mga awtoridad ang taong nasa likod ng naturang pagbabanta, na napag-alamang residente ng Tampakan at isang mag-aaral mula sa Tampakan National High School.

Samantala, hinikayat ng pulisya ang publiko na huwag agad maniwala o magpakalat ng mga hindi beripikadong impormasyon na maaaring magdulot ng takot at panic sa komunidad.

“Iwasang mag-panic at tingnan muna natin kung verified ba ang information. Huwag tayong mag-rely doon sa mga comments sa Facebook kasi kung mag-create ito ng alarm, mag-create din ito ng panic,”dagdag pa niya

Sa halip na agad ibahagi sa social media, pinayuhan ang publiko na direktang ireport sa mga awtoridad ang anumang kahina-hinalang post o impormasyon at hintayin ang opisyal na beripikasyon.

Patuloy naman ang pagmomonitor ng mga awtoridad sa mga paaralan at paligid ng mga ito upang matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral, guro, kawani, at buong komunidad.

Social Share :