DepEd, magsasagawa ng active shooting drills; TNHS makikiisa
Isinusulong ng Department of Education (DepEd) ang pagkakaroon ng active shooting drills sa mga paaralan sa buong bansa upang maihanda ang mga mag-aaral, guro, at kawani sa maagap at wastong pagkilos sa harap ng mga posibleng insidente ng pamamaril sa loob ng paaralan.
Bumuo ang DepEd ng mga protocol bilang tugon sa pangangailangang higit pang matiyak ang kaligtasan sa mga paaralan matapos ang insidente ng pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City, Leyte at Ateneo De Zamboanga na ikinasawi limang mag-aaral at dalawang guwardiya.
Iginiit ni Education Secretary Sonny Angara na layunin ng programa na gabayan ang mga mag-aaral, guro, at kawani sa mga nararapat na hakbang sa oras ng aktibong pamamaril sa pamamagitan ng malinaw na mga protocol.
“Ipapakita natin ano ang kailangan gawin ‘pag may bumaril sa isang eskwelahan, may protocol tayong automatic,” aniya.
Binanggit din ni Angara na makikipag-ugnayan ang DepEd sa Philippine National Police (PNP) kaugnay ng dumaraming banta ng pambobomba sa mga paaralan upang matiyak ang wastong hakbang bago magpasya sa pagsuspinde ng klase.
“Hihingi tayo ng tulong sa PNP kasi dumadami rin ang mga bomb threats. Yung iba kasi automatic nagsu-suspend ng klase. Yung ibang sanay na sa bomb threats, tumatawag ng SWAT team,” dagdag ni Angara.
Samantala, inaasahang makikiisa rin ang mga paaralan sa Tupi, South Cotabato sa pagpapatupad ng active shooting drills bilang bahagi ng paghahanda sa mga posibleng banta sa seguridad, lalo’t nagsagawa na rin ang lokal na PNP ng forum para sa mga piling mag-aaral ng Senior High School ng Tupi National High School hinggil sa wastong pagkilos sa mga ganitong sitwasyon.
Kasabay nito, patuloy na magbibigay ang DepEd ng psychological first aid sa mga mag-aaral at magulang na maaapektuhan ng mga insidente ng karahasan sa mga paaralan.
